Friday, June 24, 2011

MAGBABALIK AKO

“MAGBABALIK AKO”
ni: sacredguy

“Mula ngayon kayo’y aking kaibigan, hinango sa dilim at kababaan. Ang kaibiga’y mag-aalay ng sarili niyang buhay, walang hihigit sa yaring pag-aalay.” Ito ay hango sa kantang “Pagkakaibigan” na isa sa mga paborito kong kanta. Ito rin ang kinanta ng aming grupo noong kami ay naglive-in orientation sa seminaryo. Masayang balikan ang mga ganitong karanasan na maaaring minsan lang mangyari sa buhay ng isang tao. Ito ay nagpapaalala sa akin na ang Panginoon ay laging gumagabay sa anumang desisyon na aking ginagawa. Gaya nitong mga desisyon na ginawa ko noong ako ay nagbalak pumasok ng seminaryo.

            Sampung taon na akong naglilingkod bilang isang sakristan sa aming parokya. At sa pagiging sakristan ko ay naging malapit ako sa Panginoon. Bata pa lamang kasi ako ay nakakitaan na ako ng aking mga magulang ng pagiging madasalin. Kaya’t napagdesisyunan ng aking magulang na ipasok ako bilang sakristan sa edad na sampu. At sa murang edad ko na iyon ay natuto na akong maglingkod sa hapag ng Panginoon. Mas lalo pang tumibay ang pundasyon ng aking pananampalataya sa Panginoon noong nag-aaral ako ng sekundarya sa St. Paul College San Rafael, isang katolikong paaralan. Mga madre ang nagpapalakad ng paaralang iyon kung kaya’t sa anumang gawain o aktibidad meron ang paaralan ay hindi nawawala ang pag-aalaala sa Panginoon. Araw-araw ay may mga panalangin, bago at pagkatapos ng bawat klase ay meron paring panalangin, at hinding-hindi mawawala ang misa na ginaganap sa loob at labas ng paaralan.

            Lalo kong napagtanto na marahil ay tinatawag ako ng Panginoon upang sumunod sa kanya bilang pari. Bago pa man ang graduation namin ay napagdesisyunan kong kumuha ng pagsusulit sa seminaryo. Ipinaalam ko ito sa Parochial Vicar ng aming parokya noon na siya ring propesor ng Teolohiya at isa sa mga tagapaghubog ng mga nagpapari sa seminaryo. Agad niya naman itong ikinatuwa at binigyan niya ako kaagad ng application form. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman noon, may halong tuwa, kaba, at takot sa aking mga dibdib. Nang natapos kong sagutan ang anim na pahinang form ay ipinaabot ko ito sa aming Parochial Vicar at siyang magdadala nito sa seminaryo.

            Sa araw ng aming pagsusulit (kasama ko ang dalawa pang sakristan na kukuha din ng pagsusulit sa seminaryo), ay maaga kaming umalis dahil kailangan bago mag 8:00am ay naroon na kami. Bago kami umalis ay nagdasal muna kami sa harap ng blessed sacrament upang kami ay gabayan at tulungan sa aming pagsusulit. Medyo kinakabahan ako noong araw na iyon dahil mahaba-habang upuan iyon at hindi ko gaanong alam ang mga tanong na ihahain sa amin. May mga tanong naman tungkol sa Math, Science, English, Logic, at mga Personality Tests. Pag-uwi sa bahay ay muli akong nagdasal na sana ay maipasa ko ang pagsusulit na iyon.

            Hindi naman ako binigo ng Panginoon sa aking panalangin na makapasa ako sa nasabing pagsusulit. Dumating sa akin ang isang liham na ganito ang nakasaad:

“I am happy to inform you that the results of your mental ability and psychological tests have satisfied the standards of the Immaculate Conception Major Seminary. Having passed the required written examination, you are now qualified for the formal interviews and a 3-day stay-in wherein your actual suitability to seminary life will be determined by the Formators. This activity is set on March 31 (8:00am) – April 2 (after lunch), 2008. Please see to it that these important dates will find a place in your schedule.
We join our hopes and prayers to yours that you may persevere in this preparation to minister to Christ’s Church and at His altar with holiness, wisdom and commitment.”

            Tuwang tuwa ako ng malaman kong nakapasa ako at nasabi ko nalang sa aking sarili na pinagpapala talaga ako ng Panginoon. Bago pa man dumating ang March 31 ay inihahanda ko na ang aking sarili at ang mga gamit na kailangang dalhin. Inihahanda ko narin ang mga dokumento na kakailanganin ko sa pagpasok sa seminaryo.

            Dalawa naman kaming nagpunta para sa live-in orientation sa seminaryo. Bago umalis ay nagdasal kami sa loob ng simbahan upang manalangin muli sa Panginoon. Pagdating namin sa seminaryo ay maraming tao, mga kasamahan din namin sa orientation. Sa tatlong araw naming pamamalagi doon ay natuto kaming makisalamuha, kumain ng sabay-sabay (brotherhood), at ipinaliwanag din sa amin ang mga gawain at mga alituntunin sa loob ng seminaryo. Pati na ang mga bayarin at mga tuition fees sa pagpasok namin. Nagsisimula ang araw namin sa panalanging pang-umaga kasunod nito ang agahan. Naglilinis din kami ng mga hardin, nagwawalis, naghuhugas ng mga plato, at naglalaro pa. Nagkaron din ng mga interviews na pinangunahan ng mga tagapaghubog na pari, advisers/propesor, at syempre ng rektor ng ICMAS. Ang mga kadalasang tanong nila ay yung mga tanong na nasa mismong application form din. Sa gabi naman ay meron ulit panalangin at pagkatapos syempre ay ang hapunan. Meron ding film viewing na ginagawa sa AVR (Audio-Visual Room) at pagkatapos ay nagkakaron ng reflections tungkol sa napanood. Hindi ko rin makakalimutan ang mga “takutan moments” sa loob ng seminaryo na mga seminarista pa mismo ang nagkukwento sa amin. Medyo kinatakutan ko rin iyon ngunit mas nangibabaw parin sa akin ang pananampalataya ko sa Panginoon. Nagkaroon din ng tinatawag na “Family Night” na kung saan ay magkakasama ang lahat ng mga seminarista at mga pari, upang maipakita ang mga galing at talento ng bawat isa. Dito ginanap ang pinaghandaan at pinag-isipan namin na palabas. Mula sa tema, sa mga dekorasyon, imbitasyon, at sa mga performances na gagawin ng bawat grupo ay kami lahat ang nagplano. Sa aming grupo natapat ang pagkanta kaya napili namin ang kantang “Pagkakaibigan” dahil sa pagkakaibigan nagsisimula ang mabubuting samahan.

            Sa huling araw namin doon ay malalaman na namin ang resulta ng aming live-in orientation. Lahat kami ay kinakabahan kung kami ay makakapasa o hindi. Sa pagtanggap ko ng aking sobre ay napapikit ako. Nang buksan ko ito ay ganito ang nakasulat:

“After considering the merits and demerits of the results of your mental ability and psychological tests and interviews together with the evaluation from your live-in seminar, the Board of Admissions has arrived at a positive decision on your application. It is therefore, my pleasure to formally inform you that you have been admitted to the Propaedeutic Year of the Immaculate Conception Major Seminary for the School Year 2008-2009.”

            Masayang masaya ako dahil nakapasa ako. Hindi ko maipaliwanag ang tuwa at saya na aking nararamdaman sa aking puso. Umuwi ako sa amin na may magandang balita at muli akong nagdasal at nagpasalamat sa Panginoon.

            Linggo ng umaga ay ipinatawag ako ng aming Kura Paroko. Tinanong niya ako kung bakit gusto kong maging pari. Medyo napaiyak ako dahil sa tono ng kanyang boses. Sinagot ko siya ng may paninindigan, sabi ko “simple lang po, gusto kong paglingkuran ang aking kapwa.” Marami siyang ipinaliwanag sa akin at nagbigay ng maraming advice. Kumuha daw muna ako ng kurso sa kolehiyo bago pumasok ng seminaryo. Pinakukuha niya muna ako ng ibang kurso hindi dahil ayaw niya akong maging pari kundi para mas lalo pang madevelop ang sarili ko, lalung-lalo na ang social skills ko. Muli kong pinag-isipan ang kaniyang sinabi nung gabing iyon. Napagdesisyunan ko sa sarili ko na tama ang sinabi niya tungkol sa akin. Kaya’t nagpasya akong mag-enrol sa kolehiyo.

            Sa ngayon ay kumukuha ako ng kursong BSBA (Bachelor of Science in Business Administration)sa Baliuag University. Ipinangako ko sa sarili ko na kapag nakatapos ako ay muli akong babalik sa seminaryo. Gagayahin ko ang motto ng yumaong Santo Papa Juan Pablo II, ang sabi niya “Totus Tuus” sa tagalog ay “Iyong-iyo.” Iaalay ko ang sarili ko sa Panginoon kaya’t ang masasabi ko lang ay “Iyong – iyo ako Panginoon.”